suicide ramblings*
Nanlalamlam na mga mata na lamang ang tanging bintana ko sa mundo. Malabo na kulay ng ilaw na alam ko namang nagtitingkaran sa paglalaro nito sa mahamog na gabi. Ang mga ilaw ng poste ay halos hindi na maaninag. Kung may panahon pa sana akong mag-isip nang matagal-tagal, sasagi marahil sa isip ko ang mukhang mong hatid ng latag ng liwanag. May amo, puno ng buhay, at nag-aanyaya ang mga mata. Doon ako madalas mahumaling at limutin ng malay. Ngunit alam kong wala nang panahon, at sa naghalong daloy ng lamig at init sa sikmura ko’t lalamunan, dahan-dahan na ring sumasabay ang paglabo ng alaala mo sa ambon ng mga ilaw. Mga tala’t buwan na ba ang nakabalumbon sa akin? Siguro’y wala na ngang panahon para malaman. Unti-unti na kasing nanghihina at namamanhid ang aking pagal na katawan. Binawi ko na ang pagkakadiin ng kapit sa nalukot na sinulatang papel at mga ‘di ko na mabilang na banig ng sleeping pills, at pilit ka na lamang yakapin sa lamig ng pader sa aking basang likuran.
*isang subok ko sa dagli/prose poetry
*isang subok ko sa dagli/prose poetry