Thursday, September 30, 2004

Santuaryo*

pagal ang katawang ibinagsak
n’ya sa kama, at kahit gusot pa
ang balat mula sa panlalaban,
at tinatakluban
ng bangungot ang sariling laman,
‘di na pinigilan na magsumiksik
sa lawak ng kinalakhang santuaryo.
sapagkat dito,
sa kutsong yakap-yakap
ng naninilaw na sapin,
nililikha n’yang muli ang mundo.

subukin mo mang sumilip,
wala kang makikita.

sa mundong ito,
bundok ang unan,
kumot ay dagat,
at siya ang lupang dinidilig ng
luha.
ulan ‘tong humuhugas
sa kanyang kabuuan, naglulunoy
sa mga bitak ng kaluluwa
at lumulunod sa mga piping hiyaw
ng katawan.

subukin mo mang makinig,
walang kang mauulinigan.

pikit mata niyang aabutin
ang langit sa kanyang mga kamay.
kahit ga-braso lang ang dipa,
wala naman nang makakapantay.
at sa mga di-malay na pihit,
maiipit sa kanyang santuaryo,
sabay sa pagkawala ng tikom na sigaw,
mga makakapal na hibla
ng katotohanang lumalatay sa kanya.

At sa nalalabing kalahating magdamag,
Wala na munang gagambala.


*ang tulang ito ay gumulo sa utak ng mga taga-UGAT.hehe.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home